Wednesday, August 3, 2011

Luha sa Likod ng Maskara

Tumatayo sa inyong harapan para kayo'y pasayahin,
Nagbibigay ng ngiti at saya sa bawat entabladong madilim,
Pansamantalang aalisin ang pighating bumabalot sa inyong damdamin,
Papalitan ng ligaya sa pamamagitan ng walang katumbas na paggiling.

Baling dito, Lingon doon... walang patid na pagtitig,
Silip dito, Haplos doon... walang humpay na pagkabig,
Walang ibang ginagawa kundi sa inyo'y magpayanig,
Walang ibang inaatupag kundi gumiling sa lapat ng sahig.

Sa bawat butil ng pawis, panlalamig na nadarama,
Sa bawat pag-apak sa entabladong mala-impyerno ang musika,
Sa bawat pagpatak ng luha na tila di na makita,
Bumabalik ang nakaraang binabalot ng pasakit at pagdurusa.

Hindi lingid sa karamihan ang tunay kong katauhan,
Pagkat maskara ko lamang ang kanilang nababanaagan,
Ako nga pala si Cassandra, ang kilalang lalakeng operada,
Na nakukuha ring lumuha dulot ng pait na aking dinadala.


*Ito ay tugon sa hamon ni Iya na hindi operada :d