Wednesday, June 6, 2012

KM3: TINIG (Huwad na Taong Grasa)


Oras na para lamunin ng dilim ang lansangan, hudya't na din ito ng matinding agam agam sa katahimikan. Ang hangad kong maibsan ang sikmurang kumakalam, dadaanin na lamang sa pag-awit at pagtulog sa kung saang lugar ako abutan. Hindi alintana ang mga insektong paborito akong pagpiyestahan. Mga ipis, langaw, lamok at langgam, sila sa akin ay nag-aagawan. Sa pagsikat ni haring araw kinabukasan, panibagong pagsubok na naman at pakikipagsapalaran sa daan ang siyang nag-aabang. Ito ang pang-araw araw na sirkulo ng aking buhay, tinatahak ang mga gabay ng guhit sa kalsada, nagbibilang ng mga sasakyang naguunahan at nagliliparan, nagmamasid ng mga matang hubad sa katotohanan.

Sabi nila, wala daw akong karapatang sumigaw, pero bakit sila'y tila may karapatang akong bulyawan?
Wala daw akong karapatang humusga, subalit mga kilos nila’y sapat na para ako’y panliitan.

Ni minsan ma’y hindi ko ninais na ako’y inyong kaawaan, hagisan ng barya saba’y biglang pandidirihan. Ngunit wala akong magawa kundi sumunod sa agos, magpatangay hanggang sa buhay ay malaos.

Walang mali sa aking pag-iisip. Wala akong karamdamang nakamamatay na magtutulak sa akin para sa lansangan ako’y mamuhay.
Lalong hindi ko prinoblema ang bayong at ang kwarta.

Aking tinitiis ang lahat ng ito, dahil sa takot kong mabunyag ang aking tunay na pagkatao.
Ito lamang kasi ang tanging nakikita kong paraan, para matakasan ang dilim na dulot ng aking nakaraan.

- Zandro

                                                                                                                                                                      
Si Zandro ay dating kilalang mamamahayag. Subalit lingid sa kaalaman ng karamihan siya din ang nasa likod ng sunod sunod na patayan sa kanilang bayan. Pinili nya na maging  isang Huwad na Taong Grasa, hindi dahil sa ginusto nya kundi para matakasan ang tinig ng hustisya... Tinakasan niya ang hustisya na hinihingi ng mga kaanak na ginawan niya ng kalokohan.

Ang tinig ay hindi basta boses na lumalabas sa bibig, o mga salitang naririnig. Ang tinig ay kung saan nararamdaman mo at nagkakaroon ka ng reyalisasyon sa mga bagay bagay na nagpapaikot sa mundo.

Ito ang aking TINIG, halikayo at maantig.