Hindi ko alam kung saan at paano ko uumpisahan,
Ang isang akdang may kinalaman sa laruan,
Yun ay dahil sa alaalang matagal ng gustong malimutan,
Hapdi, kirot at sakit na bumalot sa aking masaklap na kabataan.
ROBOT, na aking itinuring na parang isang bangungot...
Iminulat sa paniniwalang, isang laruang walang kwenta't nakakabagot,
Mas nakakaenganyo pa daw, lilik, pala at salakot,
Sabay yuyuko sa putikang may kaagapay na matinding takot.
Kotyeng debaterya, walang angas at kay bagal bagal pa...
Yun ang sabi ni Ama, na may kasama pang pagbibida...
Di hamak na mabilis daw, karitong tulak tulak namin ni Ina,
Sabay naming sinisigaw, bote... dyaryo at garapa,
Kailan ko lamang naunawaan, ang siyang tunay nilang dahilan,
Di lang pala maintindihan ng dating musmos pang kaisipan,
Ang sakit nilang nararamdaman kapag ako'y di mapatahan,
Daig pa ang mga pusong sinusugatan ng dahan dahan.
Ngayun ngang alam ko na, ang naging pagkakaiba,
Nang aking pinagdaanan kumpara sa iba,
Di ko na sasayangin pa mga karanasan at alaala,
Na dulot ng kahapong ipinagkaloob ni Ama't Ina.