Showing posts with label Laguna. Show all posts
Showing posts with label Laguna. Show all posts

Tuesday, July 27, 2010

BUMUSINA sa LAGUNA

Sa wakas.... nakakita na din ako ng puno ng Rambutan, puno ng Lansones at puno ng kakaw! Ang galing galing ng aking karanasan nitong nakaraang sabado't linggo. Kasama ang pamilya ng aking DYUWA (ito ang bigkas ng isa sa aming kaibigan), ako ay muling napunta sa lalawigan ng Laguna, sa puntong ito, hindi para magtrabaho kundi para bisitahin ang mga kapamilya ng kanyang butihing AMA. Sa loob lamang ng dalawang araw, madami dami din kaming lugar na napuntahan, nakakapagod pero enjoy naman lalo na at hindi ako ang nagmamaneho, hehe, hindi ko dala si Red, naki-epal lang ako sa kanilang sasakyan na dala. Ang sarap din pala ng buhay pasahero, pwede kang matulog kahit anong oras mo gusto.

Umpisa na ng busina. Nagpunta kami sa bayan ng Rizal, kung saan nagsawa kami sa pagpitas ng mga rambutan (pinamimigay lang sa kanila ang mga to at hindi binebenta), opo, nsabi ko ang salitang nagsawa dahil 1 oras kami halos nanguha ng rambutan pero parang di pa rin namin nababawasan yung mga bunga sa puno, grabe ang dami, nang matapos kami ay napuno namin ang tatlong garbage bag, or hindi siguro bababa sa 50 kilo. Hehehe, di naman halatang abusado kami nun dba?

@Ito ay iilan lamang sa mga rambutang aming napamitas. Kay tamis at kaysarap ng lasa baga:-)

Sumunod naming destinasyon ay ang Liliw. Bago ka makarating dito ay dadaan ka pa sa tinatawag nilang Bitukang manok, nakakatakot dumaan dito, bukod sa sobrang kurba nya, puro pataas pa, bundok na kasi ang parteng laguna nato. Pero sulit naman ang sinadya namin, kilala ang liliw bilang bilihan ng mga native na tsinelas at mga bag. At totoo nga, sila ay napakayaman sa tradisyunal panabit balikat at panapin paa na gawa sa abaka oh kaya naman ay pinya. Nakakabilib ang talento ng mga Pilipino sa larangan ng paglikha at paggawa ng mga produktong maipagmamalaki mo sa buong mundo. Iba din ang sayang naramdaman ko sa pagiging accomodating ng mga tao dito. Proud to be Pinoy ika nga.

@Isa sa mga tindahan sa liliw, ang dambuhalang tsinelas na ito ay nakakaaliw :-)

Nagpunta din kami sa San Pablo City, ito talaga ang pupuntahan namin, umepal lang muna kami sa ibang lugar. hehe. Papasyal sana kami sa Villa Escudero, kaya lang eh kemahal pala ng bayad dito. Kaya napagkasunduan naming sa susunod nalang. :-)

Bago matapos ang kwento, mawawala ba naman ang alay ko para sa Lalawigan ng Laguna. Eto na.... beep beep


Lalawigan ng Laguna ang lugar mo ay kakaiba,
Kay yaman sa tradisyong maipagmamalaki sa kanila,
Bulubundukin mong lugar ay kay sarap sa mata,
Kahit pa mga daan mo'y nakakatakot na kurba.

Kakaiba ang sayang aking naramdaman,
Nang ako ay mamitas ng mga Rambutan,
Na sa lugar nyo lamang aking naranasan,
At nagdulot sa akin ng sobrang kasiyahan.

Hindi ko malilimutan ang bayan ng Liliw,
Na nagpamalas sa akin ng kakaibang giliw,
Panabit balikat at panapin paa,
Na para sa akin ay world class ang ganda.

Kay dami ko pa sanang gustong sabihin,
Subalit sa paglikha'y tyak na gagabihin,
Sa dami ng pwedeng tula kong likhain,
Baka dumating sa puntong sa pagbabasa nyo naman ay tamarin.

BOW

Saturday, July 3, 2010

Ang Walang Kupas na Buko Pie


Kagabi, bumyahe ako sa Laguna kasama ang aking katotong si Chano para sunduin ang kanyang misis na malapit ng manganak. Pero bago kami tumulak, bumusina muna ako. Beep Beep. Ayos ang busina ko, osya tayo na’t lumarga.

Sa kasagsagan ng aming mahabang paglalakbay sa SLEX, muntik na akong makatulog ng matapat kami sa bandang Alabang. Anak ng tinapang trapiko yan, abay pagkabigat naman pala, hindi ko tuloy sya naiwasang ikumpara sa NLEX, pagkalaki ba ng diperensya. Haaaayyy.. Isipin nyo b naman na umabot kami ng kulang lamang isang oras ng hindi nakakaalis sa pwesto. Alam kong saglit lamang ang oras na iyon kung ikukumpara mo sa masikip na daloy ng trapiko sa EDSA, subalit ang pinaguusapan sa puntong ito ay ang salitang “EX” na bukod sa Expressway ang ibig sabihin ay tumutugon din to sa katagang EXTRA as in Extra money para lamang makadaan dito. Buti na lamang ay nalibang ako sa malupit na mga kumentado ng announcer sa radyo, kasalukuyan din kasing nakikinig kami nun sa radyo PBA, ang ganda ng laban ng Derby Ace at SMB. Sulit ang mahabang pakikinig. Hehe.

Saglit lang pala, parang malayo ang title ko sa kwento ko, ganto pala yun. Kaninang umaga, bago kami bumyahe pabalik sa Bulacan, nag-iisip ako kung ano ang maaari kong maipasalubong sa aking pamilya at kasintahan, alam nyo naman na nakagawian na siguro nating mga Pinoy na mag-uwi ng pasalubong kahit na saang lupalop ka pa pumunta, minsan nga sa kabilang kanto na lamang ang punta mo, kailangan may pasalubong ka pang iuwi sa mga bata. Kilala ang Laguna sa madaming uri ng kakanin partikular na ang walang kupas na Buko Pie, at kapag ito na ang usapan ay panigurado kong “The Original Buko Pie” ang nangunguna dyan. Grabe, hindi ko akalain na ang layo pa pala nun sa lugar na pinuntahan namin, napasubo tuloy si Red Ranger sa mahabang byahe, pero di ako nagsisisi, dahil sa bukod sa pagkahaba haba ng pila (natuwa ako dahil sa mahabang pila, ang ibig sabihin lamang nito ay dinarayo talaga ito), ang buko pie ng The Original ay sadyang napakasarap. Ang Buko sa loob nito ay pagkakapal kapal at ang timpla ng asukal at harina ay swak na swak lamang sa aking panlasa. Akala ko ay makakalimutan ko na ang pangalan ko at ang daan pabalik sa Bulacan. Kung nagkataon, baka di na kami nakauwi. Hehe..

Sana ay matikman nyo rin ang sarap ng The Original Buko Pie. Ooops.. parang mahaba na ang kwento ko, hinay hinay lang muna at baka maubusan ako ng krudo. Ang mahal pa naman ngayun. Osya sya, samahan nyo ako sa susunod kong pagbusina ha. Beep BEep