Tuesday, August 31, 2010

Bahay Aliwan!


BABALA: Ang akdang inyong mababasa ay hango sa totoong pangyayari sa buhay ni Midnight Driver. Patnubay ng mahihilig ay kailangan.

Taong dalawang libo at isa ng maganap ang di inaasahang pangyayaring ito.

"Kailangan nilang buhayin ang kanilang mga anak, at tanging alam lamang nilang paraan sa mabilisang pagkita ng salapi ay ang pagbibilad ng katawan sa harap ng maraming kalalakihan. Nakakahiya man sa una subalit nasanay na sila.".

Ito ang mga salitang binitawan sa akin ng aking katabi ng kami ay pumasyal sa lugar na tinatawag nilang Bahay Aliwan para sa mga kalalakihan kasama ang aking mga pinsan at tropa. Tunay nga namang kakaiba ang ligayang madarama ng sinumang lalaki na papasok sa kanilang lungga. Bukod kasi sa sasalubungin ka ng maggagalang na tigapagserbisyo ay bubungad nadin sa iyo ang mga katawang bihira mo lamang makita ng ganun kalimit. Mga HUBAD na katawan na tila nang-aakit.

Nung una ay kinakabahan pa ako, sapagkat natatakot akong baka biglang ma-raid ang bahay aliwan na iyon at siya pang maging mitya ng pagkasira ng buhay ko.
Napansin iyon ng aking katabi sa lamesa, kaya naman bigla na lamang nyang dinikit ang kanyang mga labi malapit sa aking tenga at sinabing,

"First time mo? wag kang matakot, akong bahala sayo".

Nagulat ako at tila may kakaibang init at lamig na dumampi sa aking kalamnan.
May kung anong tila kumalabit sa aking pagkalalaki.
Pinagmasdan ko ang aking mga kasama at mga taong nakapaligid sa amin.
Silang lahat ay abala sa kung ano anong mga bagay bagay. Pakiramdam ko ay sarili naming mundo iyon.
Sariling mundo na kung saan ay maaari naming gawin ang anumang gustuhin namin.
Gawin ang mga bagay na kumakatawan sa aming makamundong pagnanais.

Kaya naman wala na akong sinayang na pagkakataon. Dali dali kong pinaghandaan ang aking first move.

Hahaplusin ko na sana sya ng bigla nalang may kung sinong humawak sa aking braso. Nag-init ang aking ulo (1&2) at pakiramdam ko ay tila mayron lamang nagti-trip sa akin. Dali dali akong lumingon at nakita ko ang isang lalaking bigotilyo, may kaitiman ang kulay at mejo malalaki ang braso.
Pamilyar sa akin ang mga tindig na iyon.

Langya... Ang AMA ko, nasundan kami.. Kasama ang aking mga tyuhin, matagal na pala nila kaming hinahanap, nagsumbong kasi ang eklavush naming pinsan dahil hindi namin sya isinama. Umalis kasi kami ng bahay na mga lasing na, kaya naman daw nag-alala sila na baka mapasabak pa kami ng gulo kaya mas minabuti nilang kami ay hanapin sa kung saan.

Haaayyy.. sayang.. 10 bits!

OT:
Ako pala ay malugod na nagpapasalamat kay Hotcakes dahil sa papuring aking natanggap galing dito.

Wednesday, August 25, 2010

KURBA


Nangyari na ang nangyari...
Naganap na ang naganap...
Marami ng oras ang inilaan...
Marami ng buhay ang nasayang ng ganun ganun lamang...
Huli na ang lahat para tayo'y magsisihan...
Huli na ang lahat para tayo ay magturuan...
Wala ng magagawa pa para ibalik ang mga buhay na nasayang...
Maliban sa dasal at pakikiramay sa pamilya na mga naiwan...
Walang may gumusto nito...
At lalong walang sinuman ang humiling nito...

Nagawa man nyang yurakan ang imahe ng mga Pilipino...
Ito'y sa kadahilanan lamang ng kanyang paninindigan at prinsipyo...
Ninais lamang nyang maglingkod sa Inang Bayan...
Ngunit sa kabila ng lahat, siya ay winalang bahala at tinalikuran...

Binatikos man sila dahil sa kanilang mga naging hakbang...
Marami mang nagawang pagkakamali at desisyong hindi kapakipakinabang...
Binilad ang katawan sa init at nagluluksang kalangitan...
Inialay ang sarili para sa kaligtasan ng karamihan...
Saludo padin ako sa inyo aming mga magigiting na kapulisan...

Kayo daw ang naging mitya at pinagmulan ng tunay na gulo...
Kayo daw ay umabuso sa kalayaan at sa inyong serbisyo...
Alam kong gusto nyo lamang na ang balita'y ihatid sa mga tao..
At gampanan ng tapat ang inyong sinumpaang serbisyo...

Nakalulungkot isipin na nangyari ang gantong trahedya...
Lalo na at ang inyo lamang nais ay magbakasyon at magpahinga...
Sa ngalan ng bawat Pilipino sa buong mundo na umaasa...
Kami ay humihingi ng pasensya at nangangakong kayo ay mabibigyan ng hustisya...

Lahat tayo ay may naging pagkukulang...
Lahat tayo ay naging biktima sa pagkakataong hindi inaasahan...
Sana lahat tayo ay may aral na natutunan...
Lahat tayo ay magtulungan para malimutan ang bangungot na dulot ng nakaraan...

Unti unti pa lamang nating tinatahak ang matuwid na daan ay muli na naman tayong naligaw at napunta sa daang KURBA.

Monday, August 23, 2010

TADHANA!

Naniniwala ka ba sa tinatawag nilang gulong ng palad?

Natagpuan mo na ba ang taong sa palagay mo ay siyang makakasama mo habang ikaw ay nabubuhay sa mundong ibabaw?

Naranasan mo na bang lapitan ka ng sandamakmak na kamalasan at wala kang ibang masisi kundi ang iyong sarili dahil sa isip isip mo lamang ay ipinanganak ka na malas?

O sa madaling sabi, ikaw ba ay naniniwala sa salitang TADHANA?

Ito yung tipong kahit hindi ka maghanap ay makikita mo o mararanasan mo ang mga bagay bagay dahil nakaguhit iyon sa mga pahina ng Libro ng buhay mo. Sabi nga nila, "Kahit pa anong gawin mo at pagbali-baliktarin mo man ang mundo ay hindi mo mababago ang nakatadhana sayo".
Tama nga naman, hindi muna magagawang palitan ang mga nakaukit na.

Ngunit sapat ba na ipagkatiwala natin sa tadhana ang ating kapalaran?

Hindi kaya mas magiging maganda at makulay ang ating buhay at pagkatao kung tayo mismo sa ating mga sarili ang gagawa nito?

Gayunpaman, marami sa atin ang umaabuso sa tinatawag nilang tadhana. Ang ibig ko lamang sabihin ay nagkalat na ang mga taong nakaupo na lamang sa isang sulok at nagaabang ng swerte (pagtama sa lotto, jueteng o maski ending)na darating sa kanila sa halip na magbanat ng buto para magkaroon ng pantustos sa pangangailangan ng kanilang mga mahal sa buhay.

Hindi masama ang mangarap, at lalong hindi masama ang magtiwala sa kapalaran subalit dapat ay alam mo ang limitasyon nito at alam mo kung paano abutin ang nakatadhana sa iyo.

NOTA: Nilikha ko ang poste na ito para sa taong nakatadhana sa akin. Yun eh!
At ang tulang ito ay inaalay ko para sa kanya. :-)

TADHANA

Nung una ay nais lamang kitang makita,
Nais na makakwentuhan at makasabay sa mesa,
Subalit ng maglaon panalangin ko ay naiba na,
Maiharap sa altar at sa habang buhay ikaw ay makasama.

Magkaiba man minsan ang ating paninindigan,
Ugali man natin ay hindi magkakapareha kailanman,
Basta ang importante sa ating puso at isipan,
Tayo ay wagas at tunay na nagmamahalan.

Hindi madali ang ating pinag-daanan,
Sari saring pagsubok ang ating nagawang lagpasan,
Sa dami ng kalokohan kong ating pinag-awayan,
Ikaw lamang ang babaing nakapagpatino sa Driver ng Bayan.

Ikaw ang aking tadhana, Ikaw ang aking buhay,
Ikaw ang syang nagbigay ng ngiti sa puso kong nalulumbay.

BOW

Thursday, August 19, 2010

TAONG GRASA

Marungis...
Mabaho...
Di naliligo...

Ilan lamang ito sa mga katagang ipinaparatang sa isang taong grasa. Aminin man natin at sa hindi, mas marami sa atin ang nang-aalipusta at nanlalait sa kanila kumpara sa nagbibigay ng tulong at nahahabag sa kanilang sitwasyon. Ako ay hindi nagmamalinis! dahil ako man din ay isa sa maraming taong minsan ng umalipusta sa kanila. Subalit ngunit datapwat ako ay natuto na sa mga bagay bagay sa mundong aking ginagalawan. Minsan ko ng nasaktan ang kanilang damdamin kaya't sinisiguro kong hindi na ito muling mauulit pa.

Ninais kong isulat ang akdang ito na pangunahing tumatalakay sa hirap at pasakit na dinadala ng mga taong nabubuhay sa lansangan na hindi alintana ang dumi at usok na kanilang nalalanghap. Isinulat ko ito upang kahit papaano ay maging daan at magising ang ilan sa atin sa tunay nilang pinagdadaanan. Oo nga at may ilan sa kanila na gumagawa ng mga bagay bagay na hindi kanais nais sa paningin ng sinuman subalit hindi naman natin sila masisisi sa pagkakataong iyon? Sila ay walang bahay na masisilungan tuwing umuulan at umaaraw, Walang maayos na pagkain kada kumakalam ang kanilang sikmura at higit sa lahat walang Pamilya na gumagabay at pumoprotekta sa kanila sa oras ng pangangailangan.

Bilang Driver, malimit akong makakita ng mga katulad nila. Ako ay lubos na nahahabag. Gusto ko silang tulungan subalit hindi ko alam kung papaano at saan ako mag-uumpisa. Hindi sapat ang bigyan lamang sila ng limang piso. At lalo namang hindi makatutulong ang duraan at sila'y saktan.

Kung may sapat lamang akong kakayahan at pantulong pinansyal, hindi na ako magdadalawang isip pa. Ngunit ganun pa man..alam ko sa sarili ko na kahit sa munting paraan, sa pamamagitan ng akdang ito, alam ko, sana....nakatulong na ako!

Sa aking mga mambabasa:

Tara! Samahan nyo ko, tulungan natin ang mga TAONG GRASA!

Ako ay may maiksing handog para sa lahat!

SANA

Sana sa pagkakataong ito ay makatulong tayo,
Mga taong nasa lansangan ay mailayo sa gulo,
Mabigyan ng pamatid gutom at kapirasong sisilungan,
Mailayo sa kalsadang panganib ang nagaabang.

Sana naman kahit minsan, sila'y ating parangalan,
Bigyan ng kapirasong baon at barya silay hagisan,
Pagkalooban ng kaunting ngiti at tiwasay na pakiramdam,
Huwag pag-initan, bagkus sila ay gabayan.

Sana sa munti kong obra, kayo ay naliwanagan,
Na ang mga taong grasa ay di dapat pagtawanan,
Hindi dapat duraan at lalong di dapat saktan,
Silay dapat na tulangang mailayo sa lansangan.

BOW

Monday, August 16, 2010

KwEnTonG KabAbaLaghaN

Paalala: Sana ay gayahin nyo ang boses ni Gas Abelgas habang binabasa nyo ito :-)

Minsan nang sumagi sa aking isipan ang magsulat ng mga akda na tumutukoy at sumisimbolo sa mga nilalang sa kabilang dimensyon gaya na lamang ng mga maligno, duwende, kapre, or white lady at mga multo.

Alam kong marami na sa inyo ang nakaranas ng iba't ibang kababalaghan na hindi kayang ipaliwanag ninuman na ultimo siyensya ay hindi makapagbigay ng sapat at konkretong eksplanasyon para dito. Ngunit maaaring marami din sa inyo ang hindi naniniwala sa mga gantong bagay at ikinukonsidera lamang silang kathang isip o imahinasyon ng sinumang nakakaranas, nakakakita at napapagparamdaman ng mga ito, hindi ko kayo masisisi sa puntong iyon dahil alam kong natatakot lamang kayong tanggapin na bukod sa atin ay may mga iba pang nilalang tayong nakaksulubong ngunit hindi basta basta nakikita ng ating pangkaraniwang mata.

May gusto akong ibahagi sa inyo na naging karanasan ko nung ako ay trese anyos pa lamang. Kapit kapatid, hindi ito nakakatakot kaya wag kang OA sa pagkapit! joke lang yun. hehe

Eto nah, Umpisa na!

Isang "madaling" araw, ako ay inutusan ng aking Ina para bumili ng Mantika sa may tindahan ni Aling Ema, bandang alas tres y media iyon, madilim ang paligid at tanging mga kuliglig at palaka lamang ang nagbibigay ng ingay sa daanan, tandang tanda ko pa ang mga pangyayari ng mga oras na iyon. May walong bahay na namamagitan sa amin at sa bahay ni Aling Ema, pero dahil sa mapuno at malalaki ang bakuran ng mga kabahayan sa aming probinsya, medyo malayo layo na din ang walong bahay na pagitan. Nang ako ay makabili na ng mantika at inumpisahan ang paglalakad pabalik sa amin, kitang kita ng dalawang mata ko ang isang tao na naglalakad papunta sa aking dinadaanan, siya ay nasa tapat ng aming bahay ng mga puntong iyon habang ako naman ay nasa tapat na ng kapitbahay ni aling Ema, wala ni kahit na kaunting takot akong nararamdaman sa mga oras na iyon, pinagpatuloy ko lamang ang aking paglalakad hanggang sa namalayan ko na nasa tapat na pala ako ng bahay nila Lola Pet!!! Napahinto ako, nanlamig ang aking katawan na may kung anong kakaibang kabog ang aking naramdaman, at sa hindi kalayuan ay kitang kita ko ang babaeng nakaputi na papalapit sa aking kinalalagyan, hindi ko makita ang kanyang mukha dahil natatakpan iyon ng kanyang makakapal na buhok, mabilis ang kanyang pagdating. Kung ano ano na ang gumulo sa aking isipan, napagtanto ko na ang malaking bahay nga pala nila Lola Pet ay wala ng sinumang nakatira pa, dahil si Lola Pet ay matagal ng sumakabilang buhay habang ang kanyang pamilya naman ay lumipat na ng bahay na matitirhan. Kung ganun ang bahay sa aking harapan ay isa ng Haunted House. Ako ay kinilabutan, napapikit na lamang ako sa sobrang kabang nararamdaman at hindi na nakaalis sa aking kinatatayuan, napasigaw ako ng malakas ng biglang may humawak sa akin... "WAAAAAAAHHHHHHHHHHH"... Ang bababaing nakaputi, tama.. sya ang may hawak sa akin ng mga oras na iyon. nangingilid na ang aking luha... di ko na ata ito kaya, lalo na't nang magsalita na sya.

Hoy, OK ka lang? sabi nya.. parang takot na takot ka ha.

Nang aking idilat ang aking mga mata, nakita ko ang babaing nakaputi sa aking harapan. Si Millie pala iyon, isang Nurse sa aming lugar, madaling araw pala ang kanyang duty sa ospital.
Langya.. tinakot ko lang ang aking sarili.

NOTA: Inutusan akong bumili ng mantika para ipampirito ng paborito kong manok na aking babaunin para sa aming Field Trip nung araw na iyon. :-)

Friday, August 13, 2010

Health Conscious!

Di ko na dapat ipopost ang isang to.. pero dahil sa may umiyak, akin na syang napilitang ipamahagi.

PAALALA: Mas masarap itong basahin sa oras ng pagkain. :-)

ODK (Oh Diyos Ko, para maiba naman.. puro na lang OMG nakikita ko)...wala akong magawa sa mga puntong ito kundi mag-isip ng kung ano anong bagay kung paano ang madaliang pagpapapayat (need ko na talaga..promise, malapit na kong maging shrek). Kedaming pumapasok sa kautakan ko na mabisang pamamaraan subalit datapwa't di ko pa inuumpisahan ang mga bagay bagay na naiisip ko ay tinatamad na ko ng bonggang bongga. Yung kaliwang utak ko kasi ay pilit na kinakalaban ang kanang kautakan ko. Ang hirap ng ganto Boooyyy...

P00otttchhhaaa, eto pa isa! pasabay sabay pa ang rumaragasa kong sipon.. paano ko ba naman maiiwasan ang kumain kung ganito ng ganito db? Natural.. pag may sipon for sure may mga namumuong Plema.. meaning may free food na naman ako.. TaaaMaaaaa (high pitch ang dulo, ala Kris Aquino)..RapSa to the nth level na naman toh.. weehhh

Nga pala, bigla kong naalaala yung comparison na ginawa ko nung high school pa lamang ako tungkol sa Gulay.. Prutas.. at PLEMA!

Lahat sila karaniwan BERDE..
Pero minsan may dilaw din..
Masarap kainin..
Masustansya ang lasa lalo na kapag sariwa..
Sa unang tikim may hagod sa lalamunan..

At bakit ko kamo naisingit ang comparison nato?

dyaaraaaannn.....

Dahil lahat sila ay mga mabisang panggamot sa SIPON...

TAaaaMMMMAAAAAA..

Here's why.. yown INGLEEAASSSTTT

Gulay: Bukod sa mayaman sa bitamina at mineral, ang gulay ay isa sa pangunahing pangangailangan ng ating katawan para makaiwas sa mga karamdaman. Nice.. ang gnda ng paliwanag ko dito!

Prutas: Mayaman sa bitamina C, pangunahing sangkap sa gamot sa Sipon. check.. :-)

PLEMA: Alam kong alam ninyo ang salitang "Antidote". no further explanation needed.. TARAAAYYY!..

Wednesday, August 11, 2010

ALAALA ni DaYuNioR


Tara.. Paglaruan natin yung Bird ko sa bahay! Dialogue ko 'to nung bata pa ako, kapag mangungumbinsi ako ng makakalaro lalong lalo na kapag aayain ko ang aking crush na si ___ (pwede ko ba syang itago sa pangalang janna?). Ang aking ibon ay pinangalanan kong DayuNior, lalaki kasi sya sabi ng aking Ama. Regalo nya sa akin iyon nung kaarawan ko, alam nya kasing mahilig ako sa ibon nung kabataan ko pa (although di pa naman ako katandaan sa ngayun), tuwang tuwa kasi ako kada makikita kong kumakain at lumalaki ang isang ibon. May kailapan si Dayunior, kaya naman kapag pinagmamasdan ko siya na nagpapahawak kay janna ay nageenjoy ako ng sobra, siguro sya man ay hindi maitanggi ang kagandahan ni Janna, para bang napakalapit nila sa isa't isa. Nakikita ko din ang saya sa mga mukha ni Dayunior kapag magkasama na sila at naglalaro, di tuloy maalis sa isip ko na maaaring si Janna ang dahilan kung bat patuloy sa paglaki si Dayunior, yun nga lang kahit anong close nila ay talagang di maiwasang maging sensitibo ni DayuNior at bigla na lamang syang nagagalit. Kung sa bagay di ko naman sya masisisi sa puntong iyon, kaw ba naman ang pisil pisilin at hawakan ng madiin db? manhid ka nalang pag di ka nagalit.

Kakaiba ang naging bonding namin ni DayunioR, sabay kaming naliligo, sabay kaming kumakain, sabay na natutulog at maski pamamasyal at pagpunta sa eskwela ay kasa kasama ko sya. Di man sya nakakapagsalita, pero nagagawa nyang ipahiwatig sa akin ang kanyang gustong gawin or sabihin, halimbawa na lamang ay kapag nakikita kong naglalaway sya na ang ibig sabihin ay nagugutom na sya or nauuhaw, oh kaya naman ay kapag nananamlay sya na ang gusto lamang pala nya ay makipaglaro. Sa mga simpleng kilos at galaw ni Dayunior ay madali nyang naipapahiwatig ang kanyang saloobin.

Ngunit dumating ang isang pangyayaring yumanig at bumago ng aking pagkatao. Noong December 31, 1993, isang araw bago lumipat ang taon. Masaya kaming naglalaro ng lusis, watusi at nagpapaputok ng pantutsi kasama ang aking mga kaibigan. Sa di inaasahang pangyayari, aksidenteng napunta ang watusi ni Janna sa tabi ni Dayunior, kitang kita ng dalawang mata ko kung paano nya tukain ang watusi sa kanyang tabi, natuwa ako nung una dahil nakita ko kung gaano talaga sila kalapit ni janna, sa isip isip ko lamang noon, "POGI POints din ito, sige lang Dayunior.. Sige lang" bwahahahaha. Masayang masaya padin kami at ipinagpatuloy ang aming ginagawa subalit makalipas lamang ang ilang minuto, si Dayunior ay biglang nanigas, naglaway, tumirik ang mata, akala ko ay gutom lamang sya kaya dali dali akong kumuha ng mumu at tubig, ngunit iba na.. hindi na nya kinakain ang inaabot kong mumu, hindi na nya mainom ang tubig, tikom na ang kanyang mga labi, napikit na ang kanyang mga mata, tuluyan na syang di gumalaw, at tuluyan na syang hindi huminga. Lingid sa aking kaalaman nung mga panahong iyon na ang watusi pala ay nakakalason. Sa mga oras na iyon, di ko maipaliwanag ang aking nararamdaman, gusto kong sisihin ang aking sarili subalit huli na, kung kaya ko lamang sanang ibalik ang nakaraan, kung kaya ko lamang sanang pigilan ang nakatakda, sana magpasa-hanggang ngayun, si Dayunior ay nabubuhay pa.. sana.. sana...

Eto ang gusto kong maging istorya kapag gumawa ako ng isang pelikula, mababaw pero may kurot sa puso. Yown yun Eh!!.. hehe

BIRD

Ako ay may alaga, ibong mataba,
Kami ay magkasama sa hirap at ginhawa,
Ang gusto nya sa buhay ay lalaruin sya,
Ang hilig ko naman ay pinapagalit sya.

Akala ko nung una ay wala ng wakas,
Ang aming pagsasama na bukal at wagas,
Kulungan pa man din nya ay yung tipong dibaklas,
At kapag pinapawalan sya, dali daling nagpupumiglas.

Ngunit dumating ang araw na kinakatakutan,
Si DayunioR na aking ibon ay kailangan ng kalimutan,
Tapos na ang mga araw ng masayang pinagsamahan,
Tapos na ang kalokohan naming magkaibigan.

BOW

Tuesday, August 10, 2010

RuRoK ng KaLigAyAHaN

Naranasan nyo na bang maramdaman ang tinatawag nilang Rurok ng kaligayahan? Na kung saan ay makukuhang lumuwa ng iyong mga mata kasabay ang pag-agos ng mga butil butil na pawis habang tumutulo ang mga nakaimbak na laway sayong mga labi na ultimo pagsasalita mo ay naaatat sa sarap na iyong nadarama.
Rurok ng kaligayahan na karaniwang kinakahumalingan ng sinumang makaranas nito.
Rurok ng kaligayahan na pinapantasya ng lahat ng mga nilalang sa mundo.

BWAHAHAHAHAHA (Romy Diaz mode)....

wala lang!

Gusto ko lang itanong. Di naman siguro masama yun dba? Lahat naman tayo ay gustong maging maligaya, masaya at kapaki pakinabang. Bilang ganti ay diringgin ko ang payo ng aking mga magulang, susundin ko.. nyaaakk.. iba na pala toh, kaya pala parang kabisado ko na ang sinusulat ko. lolz

Oh sya, saka na ko gagawa ng mahabang wento hane.. ayaw gumana ng 1kbps kong memory. hehe.. Eto pala ang epekto ng palagiang Row 4 nung nag-aaral pa.

Eto muna ang munti kong handog. Enjoy!

SARAP

Naranasan mo na ba ang maging maligaya?
Na kung saan ay iisipin mong ito ay rurok na,
Subalit kapag hinimay mo ay kulang na kulang pa,
Sa saya na madarama kapag talagang natikman mo na.

Pagtibok ng puso mo ay bibilis,
At di mo na mapipigil ang pagtitiis,
Pag iyong naumpisahan, for sure na mamimiss,
Pag iyong nasubukan for sure walang mintis.

Kakaiba ang sarap pag iyo ng natikman,
Ang tinatawag nilang rurok ng kaligayahan,
Pakiramdam mo ay parang tuyong dahon na lumulutang lutang,
Parang ulap na malaya sa paggalaw sa kalangitan.

Aw.. Rurok ng kaligayahan..
Um...Akin ka ng titikman..
Wow..Isang kutyara lang..
Ng... Ice Cream na Flavor Pandan.

BOW

Sunday, August 8, 2010

Pagpatak ng Ulan

Kasalukuyang umuulan habang ginagawa ko ang walang wentang post na ito, kaydaming pumapasok sa aking isipan, di ko naman alam kung paano ko sasabihin or ipapaliwanag, halo halo kasi. May takot, saya at naaalala ko rin ang pagmamahal. yown yun eh.. sabay emo! Pero seryoso, medyo mahirap ipaliwanag ang gusto kong sabihin, pero try ko subukan okie?

"Takot" dahil bukod sa madulas ang daan na nagiging pangunahing sanhi ng aksidente sa lansangan, may naging karanasan din tayo na hindi malilimutan ng minsan ng gumanti sa atin ang Inang kalikasan, dulot ng kapabayaan at pagiging abusado ng mga tao, masyado tayong naging iresponsable para sa yaman na ipinahiram lamang sa atin ng maykapal, kaya naman sa pamamagitan ng ulan at malalakas na hangin ay binigyan nya tayo ng isang malaking leksyon ng buhay.

"Kasiyahan" sapagkat marami ang nabibiyayaan ng ulan, unang una dito ay kaming mga driver, mas madaling maglinis ng sasakyan kapag umuulan, tipid sa tubig.lolz, at nadyan din ang mga magsasaka na ang ulan ang tanging inaasahan para mabuhay ang kanilang mga pananim, dahil sa kakulangan ng irigasyon at sapat na suplay ng tubig para sa kanilang mga bukirin. Nadiyan din ang mga puno, hayop at halaman na namumuhay mag-isa sa kagubatan, mga tao sa kamaynilaan na ang tubig ang pangunahing pangangailangan.

"Pagmamahal" na siyang inspirasyon ng bawat isa, ang pagdampi sa ating katawan ng patak ng ulan ang siyang nagsisimbulo ng tunay na diwa ng pag-ibig na ultimo luha na nagpapahiwatig ng pangamba at kasiyahan sa mga nagmamahalan.

ULAN

Patak mo sa lansangan ay kaysarap pakinggan,
Tikatik mong pagtulo'y kaysarap ulinigan
Tunay kang biyaya mula sa kalangitan,
Ang himig mo, ang tunog mo sa puso ko'y nagpapagaan.

Kahit anong bigat pa ng aking dinadala,
Kapag bumuhos ka na, nababago ang timpla,
Ang daming pumapasok na magandang alaala,
Tungkol sa karanasan, kasama ang sinisinta.

Dampi ng hangin na pumupukaw sa aking pagkalumbay,
Ingay ng patak mo sa bubong na sa dugo ko'y bumubuhay,
Pagtitig sa itaas na ultimo luha ng pagmamahal,
Na inaalay sa atin ng Diyos Amang maykapal.

Oh Ulan, ikaw ang tugon sa dasal ng magsasaka
Dahil ang kanilang pananim ay tuyung tuyu na,
Kung di dahil sayo ay baka wala na,
Ikabubuhay at kakainin ng kanilang Pamilya.

Wag mo lamang ilakas masyado ang buhos,
Dahil takot na ang bayan sa isang malaking unos,
Ayaw ng maulit mga baha na tumapos,
Sa mga ikinabubuhay ng mga taong kapos.

BOW

Friday, August 6, 2010

Dito Nagsimula ang Alamat!

Taong dalawang libo at siyam ng aming itatag ang samahang Midnight Driver & Company. Ang tanging intensyon ng aming grupo ay magbigay ng aliw sa aming mga kaibigan sa pamamagitan ng paggawa ng mga mumunting pelikula at pagbibigay ng espesyal na pagbati sa mga may mahahalagang pagdiriwang sa buhay ng bawat isa. Kakaiba ang kasiyahang naidudulot sa amin tuwing kami ay nagsasaayos ng mga eksena, produksyon at batuhan ng kumento na kahit pa ikasira ng kani kaniya naming relasyon.

Makalipas lamang ang ilang linggo at buwan, ang aming mga sakripisyo at pag-uubos ng oras ay nagbunga ng hindi namin lubos na inasahan. Naging matagumpay kami sa larangan na aming napiling pasukin, naging sensation kami sa lahat ng mga social networking site at iba ibang video uploading network, dinumog ang aming mga obra ng iba't ibang uri ng pagkatao sa mundo.

Ngunit sa kabila ng aming katanyagan at tagumpay ay tila hindi maiwasan ang iba't ibang grupo na ang tanging intensyon ay pabagsakin kami, mga tao na ang alam lamang ay manira ng samahan at pagkatao ng iba, mga tao na hindi makuntento sa pagsasaayos ng kanilang sari sariling buhay. Dahil sa mga ibinabato sa aming paninira, minabuti ng bawat miyembro ng aming grupo na tumigil muna kami sa aming ginagawa at mamuhay muna ng normal at malayo sa intriga. Isipin nyo na lamang, kung hindi sana kami huminto, baka pati Hollywood napasok na namin.

Eneb (Ang Dakilang CameraMan)
AnDroiD EnTeng (Ang Dakilang MU Artist)
NaFa (Ang Dakilang Angkas)
DaddY Kuri (Ang Dakilang BloGGer)
at Ako (Ang MiDNight Driver)
Bilang pagbibigay pugay kay SikOLeT (Ang Number 1 Fan sa Japan), ikinukunsidera ko nadin syang Affiliate ng aming Grupo

Paalala: Ang bawat miyembro ng aming Grupo ay kinakailangang GWAPO, MATIPUNO at ROMANTIKO.

Ang Sarap Talagang Mangarap

Ang kasikatang aming natamasa ay isang pangarap lang,
Ninais ko lamang na isulat para kayo ay malibang,
Binigyang buhay ang pangarap para hindi masayang,
Ang talento sa pagsulat ay hindi magkakalawang.

Pero totoo ang nabanggit ko na meron kaming Grupo,
Na binubuo ng mga Gwapo, matipuno at Romantiko,
Pero hindi nagtagal kami ay nakalaboso,
Dahil nadin siguro sa aming mga bisyo.

Wag ng magtanong, magtaka sa nabanggit,
Bisyong nakahiligan ay di na muling mauulit,
Amin ng pinagsisihan at kakalimutan ng pilit,
Ang bisyong pagta-tumbling at paulit-ulit na pag-split.

BOW

Wednesday, August 4, 2010

Ako Ay Nangarap Maging....

ARTISTA!

Sige tawa.. alam ko naman na pagtatawanan nyo ko kapag nalaman nyo ang tungkol sa pangarap ko. Hindi ko naman kayo masisisi, sino ba naman ang hindi matatawa sakin sa mga pinagbababanat kong ito? Ang lakas ng loob ko na sabihing gusto kong maging artista samantalang itsura ko pa lang lagpak na. Pero kayo din naman diba? aminin nyo man at sa hindi, minsan sa buhay nyo ay pinangarap nyo din maging artista at makita ang sarili nyo sa TV. Sino ba naman sa atin ang hindi nangarap na sumikat oh mapanood sa TV oh kahit yung simpleng makita lang natin ang ating sarili sa mga notebook oh dyaryo. Lahat tayo ay nangarap ng ganto nung mga bata pa tayo, ang kaibahan ko nga lang ay dinala ko padin yung pangarap nato hanggang sa magbinata ako at mukhang kahit sa pagtanda ko ay bitbit ko padin to. Kung naging gwapo lang sana ko, natupad ko na ang pangarap ko. Ooooopss, baka naman sabihin nyo na khit panget ay pwedeng maging artista, alam ko po yun, pero mahirap ng umasa sa tyamba, Iba padin kung may puhunan ka dba? Pero hanggang sa ngayun ay di pa ko nawawalan ng pag-asa, ito ang tunay na lakas. lolz

Ang pagiging artista ay isa lamang sa naging pangarap ko nung ako ay bata pa, hindi ko man sya natupad, hindi naman ako nabigo sa pag-abot ng iba ko pang pangarap :-).

Pangarap...

Lahat tayo ay nangangarap,
Para sa kinabukasan at hinaharap,
Lahat tayo ay nagsisikap,
At ninais makatulong sa mahihirap.

Nangarap akong maging artista,
Pumasok sa banda at maging vocalista,
Walang hadlang kung tutuusin,
Bukod sa pansariling adhikain.

Ako, bilang isang pangkaraniwang tao,
Minsan ng nangarap na pumasok sa pulitiko,
Ngunit ng muling maisip ko,
Pulitiko di bagay sa aking pagkatao.

Kayo, ano ang pangarap nyo?
Maging Inhinyero, Doktor o Albularyo,
Maging isang piloto na kumokontrol sa eroplano,
Oh maging kapitan ng naglalakihang barko.

Ang tangi ko lamang masasabi,
Pangarap ay huwag ipagwalang tabi,
Pangarap ay maging inspirasyon nyo sa buhay,
Kinabukasan nyo'y mas gawing makulay.

BOW

Monday, August 2, 2010

BABAE: Matatag.Responsable!

Bilang pagpapahalaga at paggalang sa karapatan ng mga kababaihan, mas minabuti kong likhaan sila ng isang maikling tula para naman lumuwag ang kanilang saloobin pagkatapos ng naisulat ko tungkol sa mga babaero (sana nga mapaluwag). Hindi po ako nakokonsensya at lalong lalo namang wala akong pinagsisisihan sa aking naisulat, gagawin ko lamang to para naman maging pair ako kahit papaano. :-)

Oh sya sya Girls, pagtyagaan nyo na muna to ha. Cheers!


BABAE...

Kayo ang ilaw ng tahanan,
Inspirasyon ng bawat kalalakihan,
Simbolo ng tunay na katatagan,
Sa pamilya'y tiyak na maaasahan.

Galit kayo sa mga babaero,
Hindi ko kayo masisisi sa puntong ito,
Subalit minsan ba'y naisip na ninyo?,
Kung kanino nanggagaling ang tunay na motibo.

Hindi naman makapal ang mukha ko nito,
Panigurado kong marami ang magrereact sa inyo,
Lalo na yung mga babaing medyo konserbatibo,
At baka pati nadin mga lalaking maginoo.

Pero wait lang, saglit lang, please lang,
Ako'y inyo munang unahing pakinggan,
Wala akong ibang intensyon, kundi kayo'y parangalan,
At bigyan ng pagpapahalaga ang inyong kadakilaan.

Maaaring pangit ang naging dating,
Ng aking mensahe at gustong iparating,
Pero kung babasahin at inyong tutuusin,
Ginawa ko lamang 'to, para kayo'y pasayahin.

BOW