Friday, July 30, 2010

BABAERO, Natural lang ba 'to?

Chano, Jervy, Calvin, MONTY, AV, Ben, Tata, Daboy, Jepoy.. Ito ang mga pangalan ng mga barkada kong kilala sa pagiging babaero, hindi ko sinama ang ilan sa kanila dahil ayaw kong makasira pa ng pamilya. Hindi ko masasabing may mali sa kanilang ginagawa, dahil kung tutuusin, wala naman silang inaagrabyadong tao, at lalong hindi naman sila ang lumalapit bagkus ay sila pa ang nilalapitan ng palay. Alangan namang tumanggi sila sa grasya diba? (eto ang pangunahin nilang dahilan). Bilang isang lalaki, para sa akin ay natural lamang ang pagiging babaero, mas mabuti na ito kaysa naman sa maging lalakero. hehe

May handog akong maiksing tula para sa lahat ng babaero sa mundo, alam kong magugustuhan nyo to dahil mga mapagmahal kayo :-)

Di namin kasalanan ang maging lapitin,
Mga babae na sa amin ay laging nagpapapansin,
Sa palagay nyo ba'y anong aming dapat gawin?,
Sila ay layuan at makuntento na lang sa tingin?.

Hindi naman yata namin mapapayagan iyon,
Naggagandahang mga babae ay pahirapan ng ganun,
Ang hangad lang naman namin ay kumain ng canton,
At saka sahugan ng naglalakihang hipon.

Mapagmahal lamang kami, kaya kami ganto,
At ayaw naming masaktan mga babae sa mundo,
Gusto namin ang lahat ay mga makuntento,
Gusto namin ay happy lahat ng mga tao.

Parang ang dami ko pang pwedeng sabihin sa inyo,
Kaydami kasing dahilan ng babaero,
Pero kapag si misis na ang nakatyempo,
Panigurado, mga babaero'y siguradong kalaboso.

BOW

Wednesday, July 28, 2010

MAGuLONG PAg-iiSip

Ang buhay ko ay parang gulong ng karag karag na sasakyan, madalas maplatan.

Hindi ko alam kung bakit ako biglang nalungkot, wala naman akong mabigat na pinoproblema sa ngayun, pero bakit ganun? Pakiramdam ko ay may hinahanap hanap ako, pakiramdam ko ay may kulang sa akin sa pagkakataong ito. Gusto kong mag-emote pero di naman bagay. Ang pagtibok ng dibdib ko ay kasing bilis ng rumaragasang toro, ang paggalaw ng utak ko ay kasimbagal ng paggapang ng pagong sa mabatong lugar. Naisip ko bigla ang dialogue sa isang serye, "Am I destined to be unfortunate?". Hindi ko alam kung bakit biglang pumasok to sa utak ko, hindi ko alam kung anong kaugnayan nito sa nararamdaman ko ngayun. Ayokong mag-isip ng di maganda lalo na't alam kong wala naman itong maidudulot na mabuti sa akin at sa aking kapwa. Gusto kong sumigaw, pero di ko naman alam kung anong isisigaw ko. Siguro ay dadaanin ko na lamang sa tula lahat.

Sa pagkakataong ito'y naiiba naman,
Hindi ko ikukwento ang lugar na napuntahan,
Bagkus ay sasabihin sa inyo ang karanasan,
Ang gumugulo sa isip at sa nararamdaman.

Hirap ang puso kong tumibok ng normal,
pati ang utak ko'y ang pagkilos ay kay bagal,
hindi ko alam sa ngayun kung ba't ganto ang asal,
Walang ibang magawa kundi ang magdasal.

Gusto kong sumigaw at gumalaw ng gumalaw,
Kahit kasi sa pagtulog, antok ay hirap dumalaw,
Pati sa pagtula, pakiramdam ko'y ako'y hilaw,
Kahit pati kayo'y di ko man lang mapa-WOW.

Ayoko ng isipin, mga gumugulo sa isip ko,
dahil baka naman mamaya'y bigla nalang akong maloko,
Panigurado ko bang magugulat kayo,
dahil baka si Midnight Driver ay di na maging romantiko.

BOW

Tuesday, July 27, 2010

BUMUSINA sa LAGUNA

Sa wakas.... nakakita na din ako ng puno ng Rambutan, puno ng Lansones at puno ng kakaw! Ang galing galing ng aking karanasan nitong nakaraang sabado't linggo. Kasama ang pamilya ng aking DYUWA (ito ang bigkas ng isa sa aming kaibigan), ako ay muling napunta sa lalawigan ng Laguna, sa puntong ito, hindi para magtrabaho kundi para bisitahin ang mga kapamilya ng kanyang butihing AMA. Sa loob lamang ng dalawang araw, madami dami din kaming lugar na napuntahan, nakakapagod pero enjoy naman lalo na at hindi ako ang nagmamaneho, hehe, hindi ko dala si Red, naki-epal lang ako sa kanilang sasakyan na dala. Ang sarap din pala ng buhay pasahero, pwede kang matulog kahit anong oras mo gusto.

Umpisa na ng busina. Nagpunta kami sa bayan ng Rizal, kung saan nagsawa kami sa pagpitas ng mga rambutan (pinamimigay lang sa kanila ang mga to at hindi binebenta), opo, nsabi ko ang salitang nagsawa dahil 1 oras kami halos nanguha ng rambutan pero parang di pa rin namin nababawasan yung mga bunga sa puno, grabe ang dami, nang matapos kami ay napuno namin ang tatlong garbage bag, or hindi siguro bababa sa 50 kilo. Hehehe, di naman halatang abusado kami nun dba?

@Ito ay iilan lamang sa mga rambutang aming napamitas. Kay tamis at kaysarap ng lasa baga:-)

Sumunod naming destinasyon ay ang Liliw. Bago ka makarating dito ay dadaan ka pa sa tinatawag nilang Bitukang manok, nakakatakot dumaan dito, bukod sa sobrang kurba nya, puro pataas pa, bundok na kasi ang parteng laguna nato. Pero sulit naman ang sinadya namin, kilala ang liliw bilang bilihan ng mga native na tsinelas at mga bag. At totoo nga, sila ay napakayaman sa tradisyunal panabit balikat at panapin paa na gawa sa abaka oh kaya naman ay pinya. Nakakabilib ang talento ng mga Pilipino sa larangan ng paglikha at paggawa ng mga produktong maipagmamalaki mo sa buong mundo. Iba din ang sayang naramdaman ko sa pagiging accomodating ng mga tao dito. Proud to be Pinoy ika nga.

@Isa sa mga tindahan sa liliw, ang dambuhalang tsinelas na ito ay nakakaaliw :-)

Nagpunta din kami sa San Pablo City, ito talaga ang pupuntahan namin, umepal lang muna kami sa ibang lugar. hehe. Papasyal sana kami sa Villa Escudero, kaya lang eh kemahal pala ng bayad dito. Kaya napagkasunduan naming sa susunod nalang. :-)

Bago matapos ang kwento, mawawala ba naman ang alay ko para sa Lalawigan ng Laguna. Eto na.... beep beep


Lalawigan ng Laguna ang lugar mo ay kakaiba,
Kay yaman sa tradisyong maipagmamalaki sa kanila,
Bulubundukin mong lugar ay kay sarap sa mata,
Kahit pa mga daan mo'y nakakatakot na kurba.

Kakaiba ang sayang aking naramdaman,
Nang ako ay mamitas ng mga Rambutan,
Na sa lugar nyo lamang aking naranasan,
At nagdulot sa akin ng sobrang kasiyahan.

Hindi ko malilimutan ang bayan ng Liliw,
Na nagpamalas sa akin ng kakaibang giliw,
Panabit balikat at panapin paa,
Na para sa akin ay world class ang ganda.

Kay dami ko pa sanang gustong sabihin,
Subalit sa paglikha'y tyak na gagabihin,
Sa dami ng pwedeng tula kong likhain,
Baka dumating sa puntong sa pagbabasa nyo naman ay tamarin.

BOW

Friday, July 23, 2010

Hindi Pinag-isipan



Mabilisang Paglikha

Kailangan kong gumawa ng isang maiksing tula,
Na sa loob ng limang minuto'y akin na dapat nalikha,
Ngunit paano at san ako magsisimula?
Na kahit simpleng ideya'y wala man lang akong maitala.

Bakit nga ba kay hirap ng ganitong sitwasyon,
Ni hindi ko mapagana ang aking imahinasyon,
Kahit saan pa lumingon,walang makuhang impormasyon,
Kundi puro konklusyon sa mga korupsyon ng nakaraang administrasyon.

Napansin nyo bang parang kaydaming syon,
Kay sakit sa mata't feeling agaw atensyon,
Oh hindi kaya tumaas lang inyong presyon,
Sa pagkamakata kong kakaiba ang naging bersyon.

Nabanggit ko nga pala na maiksing tula lamang,
Ang aking gagawi'y pamatid inip lamang,
Subalit ako'y nasiyahan sa walang kwentang paglikha,
Ng kakaibang tulang ako lamang ang natutuwa.

Aba't kita mo nga naman at may kasunod pa pala,
Akala ko'y tapos na ang tulang walang kwenta,
Gusto ko na kaninang isunod BOW na panghuli sana,
Subalit umeksena pa ang panghuling istansa.

BOW

Wednesday, July 21, 2010

Misyon sa Quezon


LAST WEEK, napasubo si REd Ranger sa isang mahaba at masayang byahe patungong LUcena City. Sa pagkakataong ito'y kasama ni Midnight Driver ang kanyang Dakilang MU Artist (na ngayun ay busyng busy sa paggawa ng kanyang sariling tambayan) sa pamamasyal..Tama po, pamamasyal.. dahil kahit pa nagpunta kami dito dahil sa trabaho, hindi ko ito kinokonsiderang trabaho sapagkat sa kadahilanang wala naman kaming gagawin sa site kundi ang kuhanan ito ng litrato. Isipin nyo yun, picture taking lang ang gagawin namin, dalawang araw pa kami dun. hehe. ibig sabihin lang nun, mas marami kaming oras para maglamyerda.

Sa unang araw pa lamang ng aming byahe, may mga karanasan na kaming mahirap malimutan, alas diyes na kasi ng umaga ng kami ay lumarga sa opisina kaya naman sinalubong kami ng mahabang trapiko sa daanan, pero ayos lang dahil wala naman kami hinahabol na oras. Binanggit ko lang para lang may masabi ako.

Pero ang totoo, dito pa lamang nag-umpisa ang aming totoong misyon sa quezon, ang lumamon ng lumamon.

@ kainan sa may diversion road sa Tiaong Quezon, Kasarap sana ng bulalo kung di lang dahil sa mga kolonya ng Langaw na nakapaligid dito.

@Ngayun lamang ako nakakain ng gantong pansit, ang luto sa kanya ay parang pinirito na nilaga, ewan ko ba, di ko maintindihan, kakaiba to sa mga nakain ko, sibuyas lang ang rekado at kailangan lagyan mo ng suka at hot sauce para sumarap. Ito ang tinatawag nilang Pansit Lucban. pero infernes sa ganyang itsura nya, masasabi kong pwede ko syang irekomenda. kasarapnglasa!!

@Hapunan sa may KAMAYAN, kung di ako nagkakamali, sa may bandang tayabas quezon na ito, nahirapan si Red dito kasi puro pataas ang daan, masarap din dito, kaya lang mahal. nirekomenda ito sa amin nung lalaking nasa litrato, kaya pala dito nya kami dinala, paborito nya lahat ng pagkain dito, grabe kung sya ay tumira, siguro ay may turbo sya, di ko kinaya, ang lakas nyang lumafhang. peace bry.. hehe

Di ko na isasama yung litrato ng huli naming kinain, pero sinisiguro kong magugustuhan toh ng mga lalaki dito.. hahaha

Para sa Lucena City, handog ko to sa inyo:

Lucena City for me is a place to be,
Kakaibang pagkaing sa mata'y kawili wili,
Hindi ko inakalang doon ako'y magiging happy,
Kahit pa napagod ako'y never na magsisisi.

Meron silang lambanog,
Na galing sa katas ng niyog,
Na kapag sa bibig ay hinulog,
Tyak na ika'y mayuyugyog.

Sikat din sila sa pansit na kakaiba,
na kapag sa una mo nakita, baka mawalan ka ng gana,
pero wag ka, kapag natikman muna.
hahanap hanapin na't babalik balikan pa.

BOW

Sunday, July 18, 2010

Ako din pala ay isang......


Bilang pagpapahalaga sa kumento ng aking kaibigan, minabuti kong ipagpatuloy ang mga bagay na nagagawa ko pa bukod sa pagiging driver, may mga institusyon na kung saan ay naging aktibong myembro din ako. Narito ang ilan, di ko pa ma-isip ang iba, pasensya na, tao lang.

Impersonator

Oh eto na megumi, binanggit ko na, wag ka na magreklamo.. hehe

Ang pagiging impersonator ko ay hindi lingid sa mga malalapit kong kaibigan. Madami na akong nagaya at ginagaya pa hanggang sa kasalukuyan. Masaya ako kapag napapasaya ko ang mga kasamahan ko at sa palagay ko iyon ang pangunahing purpose ko sa mundong ito. Ang paligayahin ang mga taong nakapaligid sa akin na kahit sa maiksing sandali lamang na kami'y magkasama, sinisiguro kong magiging masaya sya.

Runner

Nabanggit ko na ata ito dati, di ako sigurado pero hayaan nyong ulitin ko ito. Ako ay isang myembro ng grupo ng mga piling piling nag-gagandahan at naggagwapuhang mananakbo sa panahong ito. Gusto ko sanang ipakita ang ilan sa aming mga litrato subalit baka sabihin nyo ay SINUNGALING ako..

Mountaineer

Ako ay isang aktibong myembro din ng mga tinatawag nilang taong di makuntento sa kapatagan na mas ninanais pang makipaginuman sa tuktok ng bundok at pahirapan ang sarili sa pag-akyat at pagkapit sa mga naglalakihang ugat. Ngunit ang pagiging isang mountaineer ay hindi biro, kinakailangan mo ng dedikasyon sa kapaligiran at ibigay ng buong puso para dito, kada makakarating ako sa tuktok, doon ka nararamdaman ang sarap ng pagiging malaya ng isang tao, doon mo makikita ang tunay na ganda ng mundong ginagalawan mo.


PS: Di po ako talentado, ma-epal lang talaga ako. Magkaiba ang pagiging talentado at maepal. Ang una ay talentong pinagkaloob sayo ng may likha mula pa ng ikaw ay isilang sa mundong ibabaw samantalang ang pagiging maepal naman ay nadevelop mo na lamang habang ikaw ay nagkakaisip at impluwensya nadin ng mga taong nakapaligid sayo.

Eto, pagtyagaan nyo.

MA-EPAL lang ako

Talentado, yan ang sinasabi ng ilan sa inyo,
Di nyo nalalaman na ma-epal lang ako,
Hilig kong sumawsaw sa kung ano ang uso,
At ipagsigawan sa mundong myembro ako nito.

Subalit minsan din, kay sarap ulit ulitin,
Mga nakahiligan ko'y, kay sarap gunitain,
Isapuso't isaisip ang tunay na mithiin,
na tunay kong kasiyaha'y, kayo'y paligayahin.

Uulitin ko po sa inyo,
magkaiba ito,
Tunay na talentado at ma-epal sa mundo.

BOW

Wednesday, July 14, 2010

Hari ng Kalsada!

Alam na ng karamihan sa inyo na coding si Midnight Driver kapag araw ng Martes, kaya naman kahapon ay mas minabuti ko pang iwanan na lamang si Red Ranger (Ito ang malupit na pangalan ng sasakyang minamaneho ko) sa aming tahanan. Sa pagkakataong ito'y naranasan kong muling makipagsiksikan at makipagunahan sa pagsakay ng FX, jeepney at Bus. Sa isang araw na hindi kami magkasama ni Red, namiss ko kagad sya. Ramdam na ramdam ko ang kanyang prisensya. Mahirap sumakay kagabi, kaunti ang Bus sa may Edsa at kay lakas ng ulan, pagkalipas ng halos 30 mins na pag-aantay saka lamang ako nasakay, yun nga lang, tayuan at siksikan. Paalis na sana ang Bus na aming sinasakyan ng harangin kami ng isang MMDA sa may dulo ng Bus Stop sa Farmer's Cubao. Dahil sa nasa likuran lang ako ng Driver, medyo napakinggan ko ang kanilang pagtatalo. Eto ang naging pangyayari:

-Humarang and MMDA, sabay tapat ng kanyang kamay sa may windshield ng BUS na parang sa commercial lang ng Rexona na nagsasabing "wala ba kayong mga kamay?"

Manong Bus Driver: Bakit po Sir?
MMDA: Wala ka namang sinusundan ha, bakit ang tagal mo?
Manong Bus Driver: Kasi Boss bumaba pa yung mga pasahero ko, eh nahirapan pong bumaba kasi madaming tao
MMDA: Nahirapang bumaba, o nagsakay ka pa? (pabalang na sagot ng MMDA)

-Parang nagpantig ang ulo ni Manong Bus Driver

Manong Bus Driver: Mapipigilan ko bang sumakay yung mga pasahero, eh may mga bumababa (mataas na boses ang gamit at nanginginig sa galit)
MMDA: Edi nagsakay ka nga, hindi mo ba alam na kanina pa maraming pasaherong nagrereklamo dito dahil sa ang hirap na ngang sumakay eh ang tagal pa ninyo sa bungad. Pahiram ng lisensya mo!
Manong Bus Driver: Bakit ko ibibigay? wala naman ako ginagawa, titiketan mo lang ako.
MMDA: Natural na tiketan kita, eh may violation ka eh. Loko ka pala
Manong Bus Driver: Ano? wala naman ako nagawa ah, alangan namang pababain ko lahat ng sumasakay, edi sakin naman nagalit yung mga pasahero. Ayokong ibigay!
MMDA: Amina sabi eh... (Galit na si Kuya)
Manong Bus Driver: Ayoko nga eh....(Mas galit si Manong)
MMDA: (Tinanggal ang butones ng kanyang uniporme at sinabing...) Ikaw na kaya dito at magpalit na tayo ng pwesto. Ikaw na ang magsuot ng uniporme ko. Ayw mo lang ding sumunod sakin eh
Manong Bus Driver: Yan ang hirap sa inyo eh, di kayo marunong pakiusapan. pag kayo sumasakay samin lagi kayong libre pero wala kayo naririnig. Mga buwaya talaga kayo.

-Hindi ko na tatapusin ang kwento dahil napakahaba pa ng kasunod nito, ang tagal nilang nagtalo. Pero infairness nagmistula silang mga Artista sa dami ng mga taong nanonood sa kanila. karamihan sa mga kapwa ko pasahero ay nagbabaan na dahil sa inip, pero ako ay mas minabuti kong mag-antay na lang hindi dahil sa mahirap sumakay kung hindi dahil inaatay kong magpang-abot sila at saka ko ivivideo. hehe.

At para sa Bus Driver at MMDA, etong sa inyo.

BUS:
Sa kahabaan ng EDSA,
tayo'y palagiang nagkikita
Ngunit bakit di makasundo,
kami'y lagi nyong pinapara't pinapahinto.

MMDA:
Hindi namin kasalanan,
kung kayo'y aming mapagtripan,
Ginagawa lamang namin
Ang mga trabahong pinaguutos sa amin.

DUET:
Sana... sana...Sa kalasada'y magkasundo na
MMDA at Manong Driver, pag-aaway ay maiwasan na
Pare parehas lamang tayong gustong kumita
Mapuno ang bulsa at mabusog ang ating Pamilya.

Monday, July 12, 2010

Di lamang ako Driver, ako ay isa ding....

-Dancer
Lingid sa kaalaman ng karamihan sa inyo na minsan na akong naging myembro ng grupong JaBaLawis (NSS Version of Jabawockeez). Kami ay binubuo ng mga kalalakihang nagtatago sa likod ng maskara at nabubuhay sa mundo ng kasiyahan ng bawat isa. Bilang mga trabahador sa isang malaking kumpanya, ninais na lamang naming itago ang aming mukha para na din sa aming mga pansariling kaligtasan.
-Movie Actor
Opo.. isa akong artista. Madami dami nadin ang nagawa naming taping kasama ang Midnight Driver Crew, mahirap ang maging kasangkapan ng pinilakang tabing, kinakailangan mong sundin ang gusto at pinagagawa sa iyo ng mga kasama mo, pero sa lahat ng karerang pinasok ko,dito ako pinaka nagenjoy. Kasama ko dito sina, Eneb (Dakilang kameraMan), Chano (Dakilang Angkas), Kuri (Ang Blogger ng Grupo), JC (Ang Make-up Artist) at Sikolet (Ang Number 1 Fan sa Japan). Sa mga susunod kong post ay titingnan ko kung magkakaroon na ako ng lakas ng loob para ipagkalat ang mga videos ng Midnight Driver Crew.

-Singer
Galing ako sa Pamilyang ang tanging hilig lamang ay kumanta.OOooPPss, hindi pala, joke lang yun (ang aking Ama nga pala ay mahilig ding uminom at Magsabong samantalang ang aking Ina naman ay ginagabi sa Tonghitan).
Pero basta, ako ay isa ding Singer.

-Empleyado
Ang aking minamaneho ay pag-aari ng kumpanyang pinapasukan ko. Ang trabaho ko ay tiga-bantay ng araw maghapon kaya naman dito ko nakuha ang ideyang Midnight Driver. Mahirap ipaliwanag pero dito ko talaga sya nakuha. Di ako marunong magsinungaling. Ang Pogi ko kaya.. hellowww???

-Blogger/Writer
Sa bagay na ito, hindi ko na kailangang magpaliwanag pa.

Ang buhay ko ay makulay, kaya tara na at umangkas na sa pangaraw araw na kwento ng Romantikong Midnight Driver ng bayan. Ako po yun. Narito ang aking maiksing tula, halina't sabay sabay nating pagtyagaan.

Ako si Midnight Driver,
Sa umaga ay bantay weather,
I hate shoes na leather
What I want is yung much better.

Kaya kong gawin kahit ano,
wag lang yung uutusan ako
madali kasi akong mapagod
Saglit lang ay nahuhurt na ang aking likod.

BAW.

Friday, July 9, 2010

'Di Biro ang Maging DrIver

Rebolusyon...
PReNo...
ManiBela...
CLutch...
MakIna...
LanGis...
TuBiG...
GasoliNA...
Gulong...

Ilan lamang ito sa sinisiguro ng Driver na maayos at gumagana ng mahusay bago sya lumarga. Ang pagiging isang driver ay hindi biro, kinakailangan mong maging focus sa bawat oras ng iyong pagmamaneho. Kinakailangan mong siguraduhin ang kaligtasan ng bawat pasaherong sakay mo. Kinakailangan mong mahalin ang sasakyan mo na iyong minamaneho. Ngunit sadya naman talagang kay hirap iwasan kapag antok na ang naging kalaban, bilang isang romantikong Midnight Driver, ang pagmamaneho ng katanghaliang tapat ang siyang iniiwasan ko, dahil sa puntong ito ay palagian ng umaandar ang HAPONTUKIN Syndrome ko. Tama po! Hindi lang estudyante at nagoopisina ang mga antukin sa hapon, gayunman kaming mga Driver, kahit pa sabihin mong madalas kaming makarinig ng busina sa daan, hindi sapat yan para magising ang aming diwa, matagal ko din tiniis ang gantong sitwasyon. Before, "when Hapontukin sets in, itinutulog ko na lamang ito, subalit sa paraang yaon ay apektado maging ang trabaho ko. kaya naman nang malaman ko na mayroon palang mas mabisang panlaban sa Hapontukin, beep beep... dali dali kong sinubukan ang tinatawag nilang mabisang pangontra dito, nung una ay di pa ako gaanong bumibilib dito ngunit paglipas ng mga araw at hapong nalalabanan ko na ang Hapontukin Syndrome ko, aba'y nasabi ko na lamang sa sarili ko na..... EFFECTIVE nga! Kaya para sa mga kapwa ko Driver na nakakaranas ng kanilang sari-sariling Hapontukin Moments, Subukan nyo ang subok na ng panahon, ang Enervon MultiVitamins.. Hindi lang pang-masa ang halaga, pang-everybody's health pa. Beep Beep!!!! Kaya ngayun, everytime Hapontukin sets in, inom kagad ako ng panlaban ko dito kasabay ang pag-tumbling at pagbusina ng malakas, sa paraang ito, hindi lamang ako ang nagigising pati mga nakakakita sa akin (mukha lang daw akong tanga.. lolz) . BEep Beep...

P.S: Hindi lahat ng Driver ay babaero, tandaan nyo yan! Magkaiba ang pagiging babaero at lapitin ng mga babae ok??

Monday, July 5, 2010

Coding ako pag Tuesday


Ayaw ko ng araw na Lunes, Hindi lamang dahil unang araw ito ng pasokko sa trabaho galing sa mahabang pahinga, ito din ay kakambal ng araw na martes na ang ibig sabihin ay pahirapan portion na naman, araw kasi iyon ng palengke ng Calumpit. Haaayyy, para sa aming mga Driver sa kamaynilaan, isang araw lamang ang iniiwasan namin sa loob ng isang Linggo. Iyon ay ang araw kung kailan limitado lamang ang aming oras para manatili at magmaneho sa daan, iyon ay ang araw kung kelan ang aming mga sasakyan ay hindi maaaring magpausok at bumusina sa lansangan. Dahil sa ang dulo ng plate number ko ay 4, automatikong coding ako pag tuesday. Opo, coding ako pag tuesday, ooppps, hindi ako kumakanta ok.. kaya wag kayong magmapiling. Nagkataon lang na parehas kaming coding ni RJ pag tuesday na syang nagpasikat ng kantang toh. Pero may ibang version ako, di ko pa alam kung pano ko itotono, kwento ko na lang muna:

Paunawa: wala po akong originality, parang awa nyo na, pagbigyan nyo na ko kahit ngayun lang.

Lunes ang araw ng una naming pagkikita,
Pag dating ng martes, wala muna kaming dalawa,
Sasapit ang miyerkules at muling masisilayan sya,
at huwebes naman ang nagpapatibay sa pagsasama
byernes ang araw na aming pagporma
sa mga gimikan at sa babaeng naggagandahan.

Saglit lang at baka mabasa to ng aking kasintahan,
yari na naman ako, gulpi ang aabutin ko.
Di ko na alam kung pano tatapusin ang tula,
kaya ganto na lang bigla na lang mawawala.


Beep BEeep

Saturday, July 3, 2010

Ang Walang Kupas na Buko Pie


Kagabi, bumyahe ako sa Laguna kasama ang aking katotong si Chano para sunduin ang kanyang misis na malapit ng manganak. Pero bago kami tumulak, bumusina muna ako. Beep Beep. Ayos ang busina ko, osya tayo na’t lumarga.

Sa kasagsagan ng aming mahabang paglalakbay sa SLEX, muntik na akong makatulog ng matapat kami sa bandang Alabang. Anak ng tinapang trapiko yan, abay pagkabigat naman pala, hindi ko tuloy sya naiwasang ikumpara sa NLEX, pagkalaki ba ng diperensya. Haaaayyy.. Isipin nyo b naman na umabot kami ng kulang lamang isang oras ng hindi nakakaalis sa pwesto. Alam kong saglit lamang ang oras na iyon kung ikukumpara mo sa masikip na daloy ng trapiko sa EDSA, subalit ang pinaguusapan sa puntong ito ay ang salitang “EX” na bukod sa Expressway ang ibig sabihin ay tumutugon din to sa katagang EXTRA as in Extra money para lamang makadaan dito. Buti na lamang ay nalibang ako sa malupit na mga kumentado ng announcer sa radyo, kasalukuyan din kasing nakikinig kami nun sa radyo PBA, ang ganda ng laban ng Derby Ace at SMB. Sulit ang mahabang pakikinig. Hehe.

Saglit lang pala, parang malayo ang title ko sa kwento ko, ganto pala yun. Kaninang umaga, bago kami bumyahe pabalik sa Bulacan, nag-iisip ako kung ano ang maaari kong maipasalubong sa aking pamilya at kasintahan, alam nyo naman na nakagawian na siguro nating mga Pinoy na mag-uwi ng pasalubong kahit na saang lupalop ka pa pumunta, minsan nga sa kabilang kanto na lamang ang punta mo, kailangan may pasalubong ka pang iuwi sa mga bata. Kilala ang Laguna sa madaming uri ng kakanin partikular na ang walang kupas na Buko Pie, at kapag ito na ang usapan ay panigurado kong “The Original Buko Pie” ang nangunguna dyan. Grabe, hindi ko akalain na ang layo pa pala nun sa lugar na pinuntahan namin, napasubo tuloy si Red Ranger sa mahabang byahe, pero di ako nagsisisi, dahil sa bukod sa pagkahaba haba ng pila (natuwa ako dahil sa mahabang pila, ang ibig sabihin lamang nito ay dinarayo talaga ito), ang buko pie ng The Original ay sadyang napakasarap. Ang Buko sa loob nito ay pagkakapal kapal at ang timpla ng asukal at harina ay swak na swak lamang sa aking panlasa. Akala ko ay makakalimutan ko na ang pangalan ko at ang daan pabalik sa Bulacan. Kung nagkataon, baka di na kami nakauwi. Hehe..

Sana ay matikman nyo rin ang sarap ng The Original Buko Pie. Ooops.. parang mahaba na ang kwento ko, hinay hinay lang muna at baka maubusan ako ng krudo. Ang mahal pa naman ngayun. Osya sya, samahan nyo ako sa susunod kong pagbusina ha. Beep BEep

Friday, July 2, 2010

Ang Panimula!


Hindi ko inakalang aabot ako sa puntong gagawa pa ako ng isang blog kung saan maipahihiwatig ko ang kabilang bahagi ng aking pagkatao. Bilang isang trabahador na wala namang ginagawa sa kanyang trabaho (hindi sana 'to mabasa ng Boss ko, dahil pag nagkataon, yari ako), ninais kong gugulin na lamang ang oras ko sa pagsusulat, pag-iisip at pagbibigay ng kung ano anong kuru kuru, opinyon at impormasyon sa mga nangyari, nangyayari at mangyayari pa lamang sa labas at loob ng sasakyang aking minamaneho.

Naging inspirasyon ko para gawin 'to ay ang pagbabasa nadin ng mga sulat na akda ng mga kapwa ko Pinoy Bloggers na siyang nagpapaligaya ng araw ko, natutuwa ako kada may makakasalubong akong bagong banat.hehe. Inspirasyon ko rin ang walang patid na pagdurugo ng ilong ko kada magsusulat ako sa lenguaheng Ingles, at least sa paraang ito ay mas maipahihiwatig ko ang mga tunay kong saloobin.

Sa ngayun ay hanggang dito na lamang ang aking unang akda. hinihiling ko na sana'y suportahan nyo din 'tong lugar na ito kahit pa wala kayong mapapala sa pagdalaw dito.

BEEP BEEp.. buti tumabi ka, muntik na kitang mabangga.. Wag kang masyadong matulala.. umpisa pa lang to :-)


Protected by Copyscape Duplicate Content Finder